Linggo, Agosto 28, 2016

Pang-araw araw na buhay ni Rizal sa Dapitan

Buhay ni Rizal sa Dapitan


      
        Noong Hulyo 15, 1892, nakarating sa Dapitan si Rizal at ipinagkaloob siya kay Don Ricardo Carnicero y Sanchez, ang komandante ng hukbong Espanyol sa lugar. At kasama ng pagbìbigay na iyon ang isang sulat, na bukod sa mg̃a iba’t ibang bagay, ipinag-uutos sa Gobernador na patirahin si Rizal sa kumbento roon ng mga Heswita, at kung sakali ay hindi mangyari ito, ay doon siya patirahín sa bahay ng Gobernador. Dala din ni Rizal ang sulat ni Padre Pablo Pastells, ang superior ng mga Heswita, para kay Padre Antonio Obach, ang paring Heswita sa Dapitan. Ang sulat ay naglalaman ng mga kondisyon upang si Rizal ay makatira sa kumbento. Ang mga kodisyong ito ay ang sumusunod: Una, hayag na tatalikdan at pagsisisihan ni Rizal ang kanyang mga sinabi laban sa relihiyong Katolika, at maghahayag siya ng mga pagpapatotoong iniibig niya ang Espanya at kinalulupitan niya ang mga kagagawang laban sa Espanya; ikalawa, na bago siya tanggapín ay gagawa muna siya ng mga “santo ejercicio” at tsaka “confesión general,” ng kanyang dinaanang buhay; at ikatlo, na sa haharaping panahon ay magpapakagaling ng asal, na ano pa’t siya'y maging uliran ng iba sa pagka masintahin sa relihiyong Katolika at sa Espanya. Dahil hindi siya pumayag sa mga nasabing kondisyon, pansamantala siya tumira sa kuwartel na pinamumunuan ni Kapitan Carcinero na kanyang naging kaibigan.

      Noong Setyembre 21, 1891, nakatanggap sina Rizal, Carcinero at isang Espanyol ng Dipolog ang gantimpala na ang kanilang ticket bilang 9736 ay nanalo ng ikalawang gantimpalang P20,000. Ang naging hati ni Rizal ay P6,200. Ibinigay niya ang P2,000 sa kanyang ama at P200 kay Jose Ma. Basa sa Hongkong at ang natira ay kaniyang ginamit sa pagbili ng lupa sa Talisay na isang kilometro ang layo sa bayan ng Dapitan.

      Hindi naglaon ay tumanggap si Rizal kay Padre Pastells ng isang librong sinulat ng presbíterong si Don Felix Sara y Salvany, at sa handog na iyo'y nagpasalamat si Rizal at nangakong tutumbasan ito, bagay na tinupad niya noong ika-15 ng Enero ng 1893, na nagpadala naman siya kay Padre Pastells ng isang marikit na eskulturang larawan ni San Pablo, na canyang ginawa. Nagkaroon ng isang mahabang sulatan sina Rizal at Pastells ukol sa usapin ng relihiyon na naglalaman ng mga paniniwalang pangrelihiyon ni Rizal: (1) Ginagamit ng mga prayle ang relihiyon sa pansariling kapakinabangan at (2) ang sariling pagpapasiya ay biyaya ng Diyos sa lahat ng tao. Hindi nagtagumpay si Pastells na maibalik si Rizal para sa simbahan. Inilipat ni Padre Pastells si Padre Francisco Sanchez sa Dapitan upang muling akitin si Rizal na magbalik sa simbahan. Ngunit, tulad ni Padre Pastells, hindi rin ito nagtagumpay.

     Nakatanggap na rin si Rizal ng mga panauhin sa Dapitan at nakasama niya ang kanyang mga kapamilya at nagpatayo na ng bahay sa Talisay. Nagpadala ang mga prayle ng isang tao na may alyas na Pablo Mercado (Florencio Namanan) upang isangkot si Rizal sa mas malaking kaso.
     Nagtrabaho si Rizal sa Dapitan bilang isang manggagamot. Ang kanyang mga pasyente ay mga mahihirap na hindi makabayad at mga mayayaman na nagbabayad ng malaki sa kanyang paglilingkod. Nang tumira ang kanyang ina sa Dapitan sa loob ng isa’t kalahating taon, ginamot din ito ni Rizal. Nakilala ang kahusayan ni Rizal sa panggagamot kahit na siya ay nasa Dapitan, sinasadya siya ng mga pasyente mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naging interes din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamot.


     Itinayo ni Rizal ang isang sistema ng patubig sa Dapitan upang magkaroon ng malinis na tubig sa bawat bahay ng Dapitan. Inumpisahan niya ang ilang proyektong pangkomunidad sa Dapitan: (1) Paglilinis ng mga latian upang mawala ang malaria; (2) Paglalagay ng pailaw sa lansangan ng Dapitan at; (3) Pagpapaganda ng liwasan at ang paglalagay ng mapa ng Mindanao sa plasa.

     Ang malaking panahon ni Rizal ay ginamit din niya sa pagtuturo ng mga kabataan sa Dapitan. Tinuruan niya ang mga ito ng mga aralin sa wika, heograpiya, kasaysayan, matematika, gawaing industriyal at iba pa. Ang oras ay mula alas 2:00 hanggang alas 4:00 ng hapon. Ang ilan sa mga iniambag ni Rizal sa agham sa Dapitan ay ang mga sumusunod: (1) Pinasok ni Rizal ang mga kagubatan at baybay dagat ng Dapitan para sa paghahanap ng mga specimen upang ipadala niya sa mga museo ng Europa; (2) Nakapag-ipon siya ng 346 na uri ng mga kabibi at; (3) Natagpuan niya ang species ng Draco rizali, Apogonia rizali at Rhacophorus rizali.

     Ang pag-aaral ng mga wika ay ipinagpatuloy ni Rizal sa Dapitan. Sa panahong ito ay natutunan niya ang wikang Bisaya, Subuanin, at Malayo. Ang kahusayan sa larangan ng sining ay makikita pa rin kay Rizal sa panahon ng pagkakatapon niya sa Dapitan. Gumuguhit siya ng mga bagay na nakaakit sa kanya at nililok niya ang (1) Paghihiganti ng Ina, (2) ang ulo ni Padre Guericco, at (3) estatwa ng isang babaeng taga-Dapitan.

     Ginamit din ni Rizal ang kanyang panahon sa Dapitan bilang isang magsasaka. Umabot ng 70 hektarya ang lupang kanyang pag-aari na tinaniman niya ng abaka, niyog, punong kahoy, tubo , mais, kape, at cocoa. Ginamit din ni Rizal ang modernong pagsasaka sa pamamagitan ng pag-aangkat sa Estados Unidos ng mga makabagong makinarya. Ang pagnenegosyo ay isa sa mga naging gawain ni Rizal sa Dapitan. Nakipagsosyo siya kay Ramon Carreon, mangangalakal na taga-Dapitan, sa negosyo ng pangingisda, koprahan at abaka. Itinayo din ni Rizal ang kooperatiba ng mga magasasaka sa Dapitan upang mabawasan ang monopolyo ng mga Tsino sa lugar. Naging malikhain si Rizal sa Dapitan sa pamamagitan ng paglikha ng mga sumusunod: (1) sulpukan, isang pagsindi ng sigarilyo na gawa sa kahoy at; (2) makina sa paggawa ng bricks.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento